MARAMI ang nagulantang sa dehadong panalo ng kabayong Naugh Naugh sa ikalawang yugto ng 2010 Philracom Juvenile Colts Stakes Series noong Linggo sa Santa Ana park.
Papasok pa lang ng homestretch ay makikita mo nang lamang na sa laban ang kabayo ni Nap Magno nang lagpasan kaagad nito ang sandali-lang-nangunang si Arvin Dugo.
Meron pa itong si Naugh Naugh kahit na lumapit nang husto ang rumeremate at nasegundong si Bosbarawana. Masyadong nag-umento itong si Naugh Naugh na isa sa mga huling palahi ng namatay na si Rum Tum Tiger sa inahing Velocity mula nang matalo sa kanyang laban noon sa PCSO Maiden Race.
Impresibo naman si Antoine D’Ugo si Sito Esquivias doon sa panalo niya sa ikalawang yugto rin ng 2010 Philracom Juvenile Fillies Stakes. Papalakas pa lang itong kabayo ni Atong Yamco kaya masusubukan ito sa mga susunod pang mga buwan.
Sana ay hindi nagkaroon ng injury itong si Meant To Blush nang mahulog sa ibabaw niya si jockey Pati Dilema sa naturang karera. Tiyak na darami na ang mga kabayong sasali sa Juvenile races sa mga susunod pang linggo.
***TALAGANG balitang-balita itong kapansanang dinarama ng isang hinete kahit na makikita mo siyang sumasakay nang halos araw-araw sa karera.
Masipag ding mag-ensayo itong ating hinete pero hindi niya halos ipinapahalata ang hirap na kanyang dinaranas para daw hindi siya mawalan ng sinasakyan sa magkabilang karerahan.
Mantakin naman ninyong halos daw “giba” ang isang parte ng kanyang katawan at ito raw ang dahilan kung bakit natalo ang isang kabayo niyang nasakyan sa isang malaking karera ilang linggo na ang nakaraan.
Noong isang linggo nga daw ay ito rin daw ang dahilan kung bakit hindi na niya nakuhang makipagpukpukan pagdating sa rekta kung kaya’t natalo rin ang kanyang paboritong nasakyan.
***ISANG napakagandang karera itong mapapanood natin sa Linggo – ang 2010 Philracom Peridot I, na magsisilbing ikaapat na leg ng Imported-Local Challenge Series.
Sa unang pagkakataon kasi ay makikita natin ang paghaharap ng dalawang exciting na imported horses sa bansa ngayon – ang magka-stablemate na sina Juggling Act (Giant’s Causeway-Picadilly Circus) at Gentle Irony (Exceed And Excel-Gentle Call).
Parehong gumagawa ng pangalan itong mga kabayo ni Mayor Edna Sanchez sa magkabilang pista at talaga namang marami ang humahanga sa kanilang mga performance.
Sadyang mahal ang bili sa mga kabayong ito dahil hindi sila pangkaraniwan, ‘ika nga, dahil matindi ang kanilang mga lahi at ipinagbili sila para mga stallion prospects o yung mga gagawing ganador.
Mistulang malaking kampeonato itong karerang ito dahil narito rin ang ilan sa may mga pangalang kabayo na minsang nang namayani sa magkabilang pista.
Isang Giant’s Causeway din ang makikita natin sa kabayong si Multiply (Giant’s Causeway-L’Addition) ni Hermie Esguerra. Magkakaroon na naman ito ng pagkakataong makaganti kay Juggling Act na tumalo sa kanya noon sa second edition ng NPC Cup noong nakaraang buwan.
Narito rin ang mga pausbong na mga imported horses na tulad nina Dailies, Batang Tundo, My Hope, at Aling Nayang habang ang iba namang mga tulad nina Dream Supreme, Fierce Fighter, Indy Hay, Joshua’s Laughter, Our Solemn Prayer, at Tiwi Magic ay tunay na magpapa-excite pa lalo ng karerang ito.








